ISANG malaking pagkakamali ang ginawang pakikipag-usap ni Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP) na pinamumunuan ng founder nitong si Jose Maria Sison.
Inakala ni Duterte na sa pagpasok sa peace talks sa CPP, makakamit ng pamahalaan ang sinasabing pangmatagalang kapayapaan.
Paniwala rin ni Duterte na tuluyang ibababa ng NPA ang kanilang armas, at sa kalaunan ang lahat ng miyembro nito ay magbabalik at magiging tunay na mamamayan ng Filipinas.
Ang paniniwalang ito ni Duterte ay mali at walang katotohanan. Ang pakikipag-usap ng CPP sa gobyerno ay isang uri ng taktika para makapagpalawak ng kasapian at makakuha ng maayos na konsesyon sa pamahalaang Duterte. Kung tutuusin, bangkarote na ang communist ideology sa Filipinas, at naghihingalo na rin ang mga samahan nito lalo na ang front organizations na halos wala nang mga miyembro.
Naumay na ang taongbayan sa luma at gasgas na teorya ng CPP. Kung titingnan ang mga rally na ginagawa ng front organizations ng CPP ay paulit-ulit na lang at walang kawawaan. Kundi imperyalismo, nariyan sisigaw naman ng kapitalismo. Basura kung titingnan ang ginagawang propaganda ng mga kaliwang grupo.
Sayang talaga ang panahong inilalaan ng pamahalaang Duterte sa pakikipag-usap sa CPP. Aksaya lang ito ng pera na higit na mabuti kung ibibigay na lamang sa mahihirap na mamamayan. Hindi na dapat pinatulan pa ni Duterte si Joma. Hinayaan na lamang sanang magpatuloy si Joma sa paglaki ng tiyan at pagkanta sa mga karaoke sa Netherlands.