GAGAWARAN sa Nobyembre 11 si Ai Ai Delas Alas ng Pro Ecclesia et Pontifice (For the Church and For the Pope) medal mula sa Simbahang Katoliko sa pangunguna ni Pope Francis. Ang Solemn Investiture Papal Award: Pro Ecclesia et Pontifice ay itinuturing na highest medal awarded to the laity by the Pope.
Ayon kay Bishop Antonio Tobias, nag-officiate ng misa kasama sina Father Eric Santos, Father Allan Samonte, kahapon para kay Ai Ai at siyang nag-initiate para mabigyan ng ganitong award ang Kapuso aktres, kabilang sa mga pinararangalan ng nasabing medalya ang mga taong nagbigay ng natatanging paglilingkod sa Simbahan.
Sinabi naman ni Michael Angelo Lobrin, dating seminarista na naging motivational speaker at ngayo’y TV host, hindi nabibilang kung ilan ang pagkakalooban ng naturang medalya. ”Ito po ay isang pinakamataas na medalya na ibinibigay sa isang tulad ko, ninyo. At ang bukod-tanging puwedeng magbigay nito ay ang Papa. Ai Ai becomes Papal family. Na kapag nagpunta siya ng Roma na suot-suot iyong medlya, sasaluduhan siya ng Swiss guards.”
Idinagdag pa ni Michael Angelo na, ”At kapag dumalo na sila sa Papal awardee, may special silang lugar doon na lahat sila nakaitim na parang namatayan.
“Ang nag-initiate po ng award na ito ay ang Diocese ng Novaliches dahil doon po miyembro si Ai Ai at tinutulungan niya nag simbahan.”
Bukod kay Ai Ai, ang isa pang Filipinong nabigyan ng Papal Award ay ang composer na si Ryan Cayabyab.
Iginiit naman ni Father Samonte na hindi rin nila alam kung ano ang criteria rito. ”Ang pagkakaalam ko lang sa aming kaibigan (Ai Ai) ay napakaganda na bigyan siya niyong Papal Medal dahil sabi nga ni Bishop Tobias, marami siyang natutulungan. At hindi naman nioya kailangang magbago.”
Sa kabilang banda, gayun na lamang ang kasiyahan ni Ai Ai nang matanggap ang balita. ”Lumuhod na lang ako. Sabi ko, ‘Thank you po, Lord. Hindi ko alam kung paano ako magpapasalamat. Hindi ko alam, hindi naman ako perfect, pero sana naman ay matugunan ko kung ano pang kailangan kong maitulong.’
“Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko kasi sa rami ng nilalang sa mundo, bakit ako? Worthy ba ako? Pero siyempre, susunod lang ako. Kung ano ‘yung plano ni Lord for me. Roon tayo.
“Siguro ay magiging instrumento ako para palawakin ang Katolisismo at makatulong pa sa aking kapwa sa abot ng aking makakaya.”
Sinabi pa ni Ai Ai na gusto niyang maging makabukuhan ang kaniyang buhay bukod sa pagpapasaya ng mga tao.
Napag-alaman naming aktibo si Ai Ai sa kanyang mga charity work tulad ng pagpapatayo ng Kristong Hari Church sa Commonwealth Ave., Quezon City at ang Anawim Lay Missions Foundation, Inc. sa Montalban, Rizal.
“‘Yun ‘yung talagang gusto ko noon pa, ‘yung magkaroon naman ng kasaysayan ang buhay ko. Kapag humarap ako kay Lord, ano bang nai-contribute ko bukod sa pagpapatawa sa buong Pilipinas? Masasabi ko na naka-contribute naman ako sa iba Niyang anak at iba pa Niyang projects.”
At bilang bahagi ng pasasalamat Ai Ai sa Panginoon, binuksan din niya ang kanyang puso sa pagpapatawad at paghingi ng tawad, pati na sa ilan pang personal na sakripisyo.
“Lahat ng tao na sinaktan ako, pinatawad ko na sila at humingi na rin ako ng forgiveness sa lahat ng taong nasaktan ko in any way, malaki man o maliit.
“Marami rin akong igi-give up. Celibate ako until ikasal kami ni Gerald (Sibayan). Desisyon ko ito para sa sarili ko, para naman maging karapat-dapat ako sa mata ng Panginoon.”
Ibinahagi pa ni Ai Ai na posibleng magtungo siya sa Roma para personal na pasalamatan ang Santo Papa para sa natanggap niyang Papal Award.
Ang paggagawad ng Pro Ecclesia et Pontifice ay gagawin sa Nobyembre 11 sa Cathedral of the Good Shepherd.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio