DAVAO CITY – Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-renew sa ugnayan o pagkakaibigan ng Filipinas at China.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang talumpati sa Davao International Airport bago ang biyahe patungong Brunei at China.
Ayon kay Duterte, gusto niyang magkaroon nang palitan ng kani-kanilang pananaw sa mga lider ng China partikular sa kung paano mas mapabubuti ang kanilang bilateral relations.
“I look forward to exchanging views with the leaders of China on how we can further improve our bilateral relations,” ani Duterte.
Binigyang-diin ng pangulo, wala siyang gagawing bargaining sa kanyang state visit sa China.
Aniya, mapag-uusapan ang isyu sa pinag-aagawang West Philippine Sea ngunit maninindigan aniya ang pamahalaan.
Ipinangako niya sa sambayanan, hindi ibibigay ang bagay na hindi naman sa kanya o hindi lang siya ang stakeholder kaya mananatiling sa Filipinas pa rin ang para sa Filipinas.
Kung maaalala, ang huling state visit ng pangulo ng Filipinas sa China ay noon pang 2011.
Kabilang sa mga aasahang pag-uusapan ng pangulo at ni Chinese President Xi Jingpin ang pagpapaigting sa trade and investment sa dalawang bansa.
Bago pumunta sa China, unang tutunguhin ni Duterte ang Brunei at makikipagpulong sa Filipino community roon.
Gaya sa China, pag-uusapan din ang pagpapaigting sa trade and industry sa dalawang bansa.
Kabilang sa magiging paksa ng state visit ni Pangulong Duterte ang kapayapaan sa Mindanao.
Sinabi ng pangulo, mahalaga ang magiging papel ng Brunei sa pagkamit nang pangmatagalang kapayapaan sa isla ng Mindanao.