NASA 31 mountainners ang nananatiling stranded sa bulubunduking bahagi ng Mariveles sa Bataan.
Ayon kay Senior Supt. Benjamin Silo, provincial director ng Bataan Provincial Police Office (BPPO), nasa kabuuang 73 ang bilang ng mountaineers na umakyat kamakalawa sa naturang bundok ngunit nakababa ang 42 sa kanila.
Aniya, umakyat ang unang batch ng mountaineers dakong 5:30 am kamakalawa habang ang ikalawang batch ay umakyat dakong 5:00 pm.
Patuloy na kino-contact ng mga awtoridad ang 31 iba pang mountaineers para siguruhing sila ay ligtas.
HATAW News Team
3 KATAO PATAY KAY KAREN
TATLO katao ang napaulat na namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Karen.
Base sa lumabas na report, kabilang sa mga namatay ang dalawang bata na natabunan nang gumuhong tone-toneladang bato sa Binangonan, Rizal sa kasagsagan nang pana-nalasa ng bagyong Karen sa Southern Luzon.
Sinabi ni Major Virgilio Perez Jr., Public Information Officer (PIO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Southern Luzon Command, naganap ang insidente nitong Biyernes dakong 10:00 pm habang malakas ang buhos ng ulan dulot ng bagyo.
Kinilala ni Perez ang mga namatay na sina Arcille Latoja, 26; Rex Adrian Latoja, 6, at Reynold Latoja, 3, habang patuloy na ginagamot sa ospital ang isa pang biktima na si Luisito Oliveros, 38.
KAREN HUMINA
MAKARAAN mag-landfall sa Aurora province, humina ang Bagyong Karen, kaya ibinaba ng PAGASA ang storm signal sa ilang mga lugar.
Ayon kay PAGASA meteorologist Benison Estreja, bumaba ang sustained winds ng Bagyong Karen, mula sa 150 kph, nasa 130 kph na lamang habang tinatahak ang Central Luzon.
Ang Bagyong Karen ay may dalang gustiness hanggang 220 kph at gumagalaw patungong west northwest sa lakas na 22 kph.
Dagdag ni Estreja, dakong 7:00 am kahapon, nasa bisinidad ng Binalonan, Pangasinan ang bagyo.
Sinabi ni Estreja, mula sa 34 lugar, nasa 27 na lamang ang nasa ilalim ng public storm warning signal.
Nakataas ang signal #3 sa Pangasinan, Northern Zambales, Tarlac, La Union, at Benguet.
Habang signal #2 sa Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Quirino, Ilocos Sur, Mt. Province, Ifugao, Zambales, Pampanga, at Bataan.
Samantala, signal #1 sa Southern Isabela, Bulacan, Rizal, Metro Manila, Northern Quezon kabilang ang Polilio Island, Ilocoas Norte, Abra, Kalinga, Southern Apayao, Cavite, Batangas, at Laguna.
Kahapon ng umaga, nag-exit ang bagyong Karen sa Luzon landmass sa bahagi ng Pangasinan.
Ngayong Lunes ng madaling araw lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Karen.
Ngunit patuloy na makararanas ng pag-ulan ang Metro Manila.
ILANG LUGAR SA CENTRAL
LUZON ISOLATED
BUNSOD nang malakas na ulan dulot ng Bagyong Karen, ilang mga lugar sa Central Luzon ang isolated dahil sa landslide at malawakang pagbaha.
Batay sa report ng Aurora Provincial Police Office, ang kalye mula Dingalan patungong Nueva Ecija ay hindi passable sa lahat ng mga klase ng sasakyan dahil sa pag-apaw ng Lagawan Spillway sa Brgy. Caragsan, Dingalan, Aurora.
Gamit ngayon ng mga residente ang detour road na konektado sa Brgys. Karagsakan at Poblacion para makapasok at makalabas sa Dingalan.
Ayon kay Dingalan Mayor Shierwin Taay, ikinokonsiderang isolated ang nasabing lugar ngunit tiniyak ng pamahalaang lokal sa mga residente na may sapat na supplies ng pagkain sa loob ng dalawang araw.
Hanggang 7:00 am kahapon, 1,527 pamilya o 6,582 indibidwal ang lumikas sa Dingalan.
Ang kalye mula sa Maria Aurora patungong Pantabangan at lahat ng mga kalye patungong northern part ng Aurora ay hindi madaanan ng lahat ng kalse ng sasakyan.
Samantala, ayon kay Northern Luzon Command Commander, Lt. Gen. Romeo Tanalgo, ang Banaue-Mayoyao-Alfonsolista, Isabela Boundary Road sa Ifugao ay isinara dahil sa landslide.
Ayon kay Tanalgo, ang Abatan Buguias at Kenon Road ay hindi rin puwedeng daanan dahil sa landslides.
Lahat ng mga kalye at tulay sa Kalinga ay nadaraanan ng lahat ng klaseng sasakyan maliban sa Abra-Kalinga Road na sarado dahil sa naganap na landslide sa Brgy. Pantikian, Balbalan.
12,000 INDIBIDWAL APEKTADO
HIGIT 12,000 indibidwal ang apektado sa pananalasa ng bagyong Karen sa ilang lugar sa Luzon makaraan mag-landfall kahapon ng madaling araw.
Batay sa monitoring ng National disater Risk Reduction Management Council (NDRRMC), may minor landslides at mga pagbaha ang naiulat habang nananalasa ang bagyo.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Mina Marasigan, batay sa kanilang mga nakuhang report, ilang bubong ang inilipad dahil sa lakas ng hangin, nawalan ng koryente at naputol ang linya ng komunikasyon.
Sinabi ni Marasigan, nasa 12,500 indibidwal ang lumikas sa kanilang bahay at kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.
Nasa 11 katao ang nasagip sa lumubog na isang bangka sa Samar nitong Biyernes habang 1,000 barko at 6,500 passengers ang stranded sa iba’t ibang daungan.