Monday , December 23 2024

10 areas signal no. 3 kay Karen (1 pang bagyo inaasahan)

POSIBLENG mapaaga ang landfall ng bagyong Karen sa Aurora province dahil nadagdagan ang bilis nito.

Ayon kay Pagasa weather forecaster Benison Estareja, mula sa dating bilis na 20 kph ay naging 22 kph na ang bagyo kaya asahan ang pagtama nito sa lupa dakong 12:00 am ngayong araw hanggang 2:00 am.

Kahapon, nakataas na sa tropical cyclone signal number three ang mga probinsya ng Pangasinan, Northern Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Aurora, Northern Quezon kabilang ang Polilio Island, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya at Quirino.

Tropical cyclone signal number two ang nakataas sa Ilocos Sur, Southern Isabela, Mt. Province, Ifugao, nalalabing bahagi ng Zambales, Pampanga, Bulacan, Bataan, Rizal, Metro Manila, nalalabing bahagi ng Quezon, Camarines Norte at Catanduanes.

Nasa tropical cyclone signal number 1 ang Ilocos Norte, Abra, Kalinga, nalalabing bahagi ng Isabela, Southern Apayao, Southern Cagayan, Oriental Mindoro, Cavite, Batangas, Laguna, Marinduque, Camarines Sur, Albay kabilang ang Burias Island.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 205 km east ng Infanta, Quezon.

Taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hangin na 130 kph at pagbugsong 180 kph habang patuloy na tinatahak ang direksiyong kanluran hilagang kanluran.

Asahang tatahakin ng bagyo ngayong araw ang central Luzon at lalabas sa landmass sa hapon sa Pangasinan o sa timog bahagi ng La Union.

Posibleng lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Lunes ng madaling araw.

Samantala, may binabantayang bagong tropical storm ang Pagasa na may international name na “Haima.”

Huli itong namataan sa layong 1,850 km silangan ng Mindanao.

Ayon sa Pagasa, nasa 65 kph ang lakas nito habang nasa karagatan ngunit posible pang lumakas sa susunod na mga araw.

Asahang papasok ito sa teritoryo ng Filipinas pag-exit ng bagyong Karen sa Lunes at papangalanan itong bagyong Lawin.

NDRRMC HANDA NA KAY KAREN

TINIYAK ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director, Usec. Ricardo Jalad ang kanilang kahandaan sa epekto ng bagyong Karen.

Ayon kay Jalad, noong nakaraang linggo pa sila nagpulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa banta nang paparating na sama ng panahon.

Sa kasalukuyan, nakaantabay na ang kanilang mga tauhan malapit sa Quezon at Aurora upang agad makatugon sa pangangailangan, pagkatapos nang inaasahang landfall.

Kinompirma ng NDRRMC head, may maaga na silang preparasyon para sa isa pang sama ng panahon na maaari rin makaapekto sa ating bansa sa susunod na linggo, kasunod ng typhoon Karen.

Kung magiging bagyo aniya, ito ay bibigyan ng lokal na pangalang “Lawin.”

BAHA, LANDSLIDE NAITALA SA BICOL

LEGAZPI CITY – Lumakas pa ang pagbugso ng ulan at hangin dala ng bagyong Karen sa rehiyong Bicol kasabay nang pagtaas ng alert level sa ilang lalawigan.

Nakapagtala ng ilang mga pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang mga lalawigan.

Una rito, nagkaroon ng landslides sa mga bayan ng San Andres at Gigmoto sa Catanduanes ngunit walang naiulat na casualty at nadaraanan pa rin ang mga kalsada rito.

Habang nakararanas ng kawalan ng supply ng koryente ang ilang bayan sa Albay at wala pang abiso kung kailan maibabalik.

81 BARANGAYS SA MAGUINDANAO LUBOG SA BAHA

KORONADAL CITY – Umabot sa 81 barangays sa 10 bayan sa Maguindanao ang lubog sa tubig-baha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan at apektado ang halos 25,000 residente.

Inihayag ni Myrna Jo Henry, ng Humanitarian Emergency Response Action Team (HEART) ng ARMM, kabilang sa mga apektado ng pagbaha ang mga bayan ng Ampatuan, Datu Salibo, Sultan sa Barongis, Rajah Buayan, Datu Abdullah Sangki, Northern Kabuntalan, Datu Saydona Mustapha, Datu Montawal, Pagalungan at Sultan Mastura na pinakaapekatado ng kalamidad at umabot sa anim talampakan ang taas ng tubig-baha.

STRANDED SA PANTALAN MAHIGIT 6,000 NA

PUMALO na sa 6,692 pasahero ang stranded sa mga pantalan dahil sa bagyong Karen.

Bukod dito, 29 barko ang hindi makabiyahe, at 748 motorbanca.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), pinakamaraming stranded ay nasa Bicol Region na may 2,756.

Sinusundan ito ng Southern Tagalog na may 1,705, habang sa Eastern Visayas, Central Visayas at Western Visayas ay daan-daan din ang naghihintay makabiyahe.

DAM SA ISABELA NAGPAKAWALA NG TUBIG

CAUAYAN CITY, Isabela – Nagpakawala ng tubig ang Magat dam sa Ramon, Isabela bunsod nang inaasahang malaking volume ng tubig mula sa watershed areas sa Nueva Vizcaya, Quirino at Ifugao dulot ng mga pag-ulan na dala ng bagyong Karen.

Simula 8:00 am kahapon, nagpapalabas ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng tubig mula sa Magat dam reservoir.

180 DOMESTIC FLIGHTS APEKTADO NI KAREN

UMABOT sa 180 flights ang kanselado hanggang ngayong araw dahil sa epekto ng bagyong Karen.

Ayon sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), maagang nagpatupad ng kanselasyon ang mga airline company dahil sa inaasahang paglakas ng sama ng panahon ngayong weekend.

Kahapon ay mahigit 30 ang apektadong flights, habang ngayong araw ay nasa 150 ang kanselado.

Kabilang sa mga biyaheng pinigilan ang Manila -Legazpi, Manila-Naga, Manila-Calbayog, Manila-Catarman at return flights nito.

( GMG )

About hataw tabloid

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *