MAKARAAN mamatay ang kaibigan at kapwa artistang si Dick Israel, isinulong ng aktor na si Robin Padilla ang legalisasyon ng medical cannabis o marijuana sa bansa.
Ayon kay Padilla, si Israel, namatay nitong Martes makaraan maparalisa noong 2010, ay isa na namang biktima ng “medical marijuana oppression.”
“Im sorry I failed you dearest friend, I really thought this government is already educated enough to legalize medical marijuana,” pahayag ni Padilla sa kanyang Facebook account.
“Hypocrites are still under the banner of big pharmaceutical companies.”
Idinagdag niyang habang may karamdaman si Israel, humiling ang aktor ng medical marijuana.
“Hindi ko isinulat ito at pinost para sisihin ang gobyerno sa pagkamatay ng aking kaibigan kundi para ipaalam sa lahat na ang gamot na hinihingi sa akin ni Dick Israel ay medical marijuana at hindi ko naibigay sa kanya dahil BAWAL!!! Buhayin sa Kongreso ang #HB180,” pahayag ni Padilla.
Si Padilla ay mahigpit na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ipinatutupad ang giyera kontra droga.
“Sa mga hindi nakaiintindi sa gobyerno… ito po ang maliwanag na pagpapaliwanag, una si Mayor Duterte is not against medical marijuana stick that to your thick skull,” aniya.
“Pangalawa ang gobyerno ay hati sa tatlong sangay, Executive kung saan andon ang Pangulo, legislative kung san andon ang Senado at Congreso, at ang judiciary kung san andon ang Supreme Court. Hindi porket sinabing gobyerno ay si mayor na kaagad ang nasa isip ninyo. Magbasa-basa nga kayo at gumamit ng internet nang tama para may dagdag kaalaman. At lalong hindi recreational marijuana ang itinutulak ko kundi MEDICAL marijuana… Buhayin sa Congreso ang #HB180,” dagdag pa ng aktor.
Nitong nakaraang buwan, ang pamangkin ni Padilla na si Mark Anthony Fernandez ay inaresto makaraan makompiskahan ng isang kilo ng marijuana.
Ayon kay Fernandez, ginagamit niya ang marijuana dahil sa benepisyong medikal.