NAGSIMULA kahapon ang apat na araw na lakbayan mula Ilocos Norte patungong Maynila para ipanawagan ang pagkakaisa na mailibing na sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang lakbayan, na pangungunahan ng may 500 tagasuporta ng dating pangulo, ay nagsimulang maglakad dakong tanghali kahapon, mula sa Paoay, at inaasahan na makararating sa harap ng Korte Suprema sa Lunes.
Bago tuluyang nagmartsa pa-Maynila, nagsagawa muna ang grupo ng isang unity mass sa Paoay Church.
Inunang tinahak ng grupo ang Vigan City sa Ilocos Sur, doon magsasagawa ng vigil at magsisindi ng kandila kabilang ang ilan pang daan-daang mga tagasuporta ni Marcos.
Inaasahang darating ang grupo sa San Fernando City, La Union, gabi ng Biyernes, at saka daraan sa Tomb of the Unknown Soldier para naman bigyang parangal ang mga sundalo at gerilya na lumaban sa Japanese Imperial Army noong World War II.
Si Marcos ay dating sundalo na lumaban sa mga Hapon, na siyang isang dahilan kung bakit nararapat siyang ilibing sa LNMB.
Pagkatapos sa San Fernando, magmamartsa ang grupo patungo sa Pangasinan at Tarlac. Magsasagawa ng unity mass sa bawat lugar na hihintuan, na inaasahang dadaluhan pa nang mas maraming tagasuporta hanggang makarating sa Metro Manila.
Inaasahan na mararating ng mga nagmamartsa ang Pampanga at Bulacan sa Linggo. Inaasahang dadaluhan din ito ng iba pang mga grupong sumusuporta kay Marcos.
Lunes ng umaga naman inaasahang makararating sa harap mismo ng Korte Suprema ang grupo, para magsagawa ng mga pagkilos tulad ng unity mass at prayer vigil na dadaluhan ng pangangay na anak ni Marcos na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
Bago pa inilunsad ang martsa, nakakalap na ng 1,168,606 lagda para suportahan ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB, at saka iniharap bilang petisyon sa Korte Suprema.
Sa Martes inaasahang maglalabas ng desisyon ang Korte hinggil sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB na una nang sinuportahan ni Pangulong Duterte.