HAHAWAKAN ng 5-man panel prosecutors ng Department of Justice (DoJ) ang pag-iimbestiga sa mga kasong isinampa laban kay Sen. Leila de Lima kaugnay ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Sa ilalim ng Department Order 706 na pirmado ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, itinalagang chairman ng panel si Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong.
Habang miyembro ng panel sina Prosecutors Alexander Ramos, Leila Llanes, Evangeline Viudez-Canobas at Editha Fernandez.
Ang mga kaso ay magkakahiwalay na inihain ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at dating National Bureau of Investigation (NBI) deputy directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala.
Bukod kay Sen. De Lima, kabilang din sa mga sinampahan ng parehong kaso sina dating Justice Undersecretary Francisco Baraan III; dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Franklin Bucayu; dating security aides ni De Lima na sina Ronnie Dayan, Joenel Sanchez at Jose Adrian Dera alyas Jad De Vera; staff at sinasabing bagman ni Bucayu na si Col. Wilfredo Ely, at high profile inmate na si Jaybee Sebastian.