PLANONG idulog ni Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr., sa House Ethics Committee si Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers upang madisiplina kaugnay sa aniya’y ginawang “unparliamentary or uncalled for action” sa pagdinig sa House Committee on Constitutional Amendments.
Ito ay makaraan silang muntikang magsuntukan dahil sa hindi nila pagkakaintindihan sa mosyon ni Cebu 3rd District Rep. Gwen Garcia kaugnay sa pag-convene sa constituent assembly (Con-Ass) para sa pag-amyenda sa saligang batas.
Ayon kay Pichay, hindi dapat malagay sa Kongreso ang mga taong “immature.”
Lalo na aniya at maaaring magdebate ang mga mambabatas kaugnay sa isang isyu ngunit kailangang ito ay nasa tamang lugar at hindi gagawing personal.
Ayon kay Pichay, posibleng hindi lang naintindihan ni Barbers ang kanyang punto kaugnay sa nasabing isyu.
Sabay paliwanag na hindi niya pinatulan ang asal ni Barbers dahil sa kanyang pagrespeto sa Kongreso bilang isang institusyon.
Samantala, humingi ng paumanhin sa Caraganons si Rep. Barbers at ipinaliwanag na hindi niya napigilan ang kanyang sarili na aniya’y normal lamang lalo’t mainit ang isyung tinatalakay.
Ngunit kanyang nilinaw na hindi kasali si Rep. Pichay sa kanyang hiningian ng paumanhin dahil wala aniyang rason para gawin ito.
Iginiit ni Barbers na “welcome” para sa kanya ang plano ni Pichay na ireklamo siya sa Ethics Comittee ng Kamara.