GANAP nang bagyo ang sama ng panahon na maaaring magdulot nang pagbaha at landslide sa Bicol at silangan ng Visayas, inianunsiyo ng state weather bureau PAGASA nitong Huwebes.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Obet Badrina, taglay ng Bagyong Karen ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 55 kph.
Dakong 5:00 am kahapon huling namataan ang tropical depression sa layong 640 kilometro silangan ng Catarman, Northern Samar. Mabagal itong kumikilos pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 11 kph.
Inaasahang lalakas pa si Karen kaya posibleng magtaas ang PAGASA ng babala ng bagyo, dagdag ni Badrina.
Unang maaapektohan ng bagyo ang Kabikulan bago mag-landfall sa Aurora-Isabela area, Linggo ng gabi.
Nag-abiso si Badrina na inaasahang magiging maulan ngayong weekend sa Gitna at Hilagang Luzon, at Metro Manila.