ANO!?
Pondo ng Social Security System (SSS) ang gamit sa paglalandi? Totoo naman kaya ito?
Anyway, iyan ang bulong sa Aksyon Agad ng alaga nating paru-parung minsa’y dumapo sa “flower” ni Madame este, na dumapo pala sa bintana ng SSS nang mapagod sa kalilipad sa buong Metro Manila.
Linawin natin ha, hindi lang basta pondo ng SSS ang pinag-uusapan dito kundi ito ay mula sa kontribusyon ng mga miyembro o ‘di kaya’y mula sa buwis ng mamamayan.
Yes, isang babaeng opisyal ang sinasabing ginagamit sa pakikipag-date sa kanyang boyfriend na si alyas Mr. Tangkad, ang pondo ng kanyang munting departamento.
Sa tuwing inilalabas ni Madame ang kanyang BF na mula rin sa isang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa komunikasyon, pinalalabas niyang “official business” o “OB” ang kanyang lakad. Siyempre, ang ipinalalagay sa resibo o official receipt ay “Social Security System.”
Sarap naman ng buhay ng babaeng opisyal. Libre na ang kanyang mga expenses sa date, yumming yummy pa ang ‘pagdidilig’ sa kanya.
Nakahihiya ka!
Ang masaklap, hindi lang sa labas si madame nakikipag…lambingan sa kanyang BF kundi maging sa kanyang opisina. Meaning, madalas siyang dinadalaw ni Mr. Tangkad.
Pinagsabihan na nga raw ng isa pang babaeng opisyal si madame sa kanyang ‘sideline’ kay Mister at baka siya ay mabuko, pero balewala kay madame.
Meaning, tuloy ang pakikipag-date niya kay Mr. Tangkad at siyempre, tuloy pa rin ang kanyang paggamit sa pondo ng kanyang departamento.
Si Madame ay medyo bago-bago sa SSS pero, agad na tumubo ang kanyang sungay dahil sa pangungunsinti sa kanya ng isa pang babaeng opisyal na itago natin sa pangalang “Ms. Cancer.”
Zodiac sign nga ba ito kaya Ms. Cancer ang tawag?
Pero nito namang mga nagdaang araw, pinagsabihan at pinag-iingat na ni Ms. Cancer” si Madame. Baka mabuko raw hindi lang sa opisina kundi ng kanyang mister at mga anak.
Naku, pamilyado ka pala madame.
Madame pala tawag sa subject natin dahil… simple! Dahil sa siya’y isang babae. Gets n’yo? Alangan naman sir ang itatawag natin sa kanya.
He he he…
Ibinulong sa inyong lingkod ito dahil bukod nga sa palso na, pera na ng taongbayan ang nawawaladas sa kalandian ni Madame.
Samantalang hirap na hirap ang mga miyembro ng SSS sa pagkuha ng benepisyo sa SSS.
Sinasabi pang nalulugi ang SSS — paano kasi ang lalaki ng suweldo ng mga top brass bukod pa sa mga consultant kuno, pagkatapos ginagamit lang ni Madame sa kanyang BF ang pondo ng kanyang departamento mula sa pera ng bayan?!
Hindi ba’t kahindik-hindik ang kanyang kalandian!
Hindi lang ‘yan, kundi matagal nang humihingi ng pension hike ang mga pensioner pero ipinamumukha ng SSS na hindi nila kayang ibigay sapagkat lugi raw ang SSS ngayon. Mahina raw ang koleksiyon pero si Madame ay walang pakialam. Sige pa rin sa pag-aasikaso kay Mr. Tangkad gamit ang pera ng bayan.
Mabuti pa ang National Bilibid Prison (NBP) tiba-tiba ang maraming opisyal dito batay na rin sa testimonya ng mga drug lord sa loob na isinalang sa inquiry sa kongreso.
Isa nga sa isinalang dito ay si Mr. Jay-B Sebastian. At least sa NBP hindi pera ng taongbayan ang pinag-uusapan. Iyon nga lang galing sa droga.
E sino ba itong si Madame? Tulad ng naunang nabanggit, medyo bago-bago pa lang sa SSS pero may posisyon agad. Nagmula rin si madame sa isang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman din sa benepisyo para rin sa mga miyembro ng ahensiya. Utusan nga lang daw si madame sa pinanggalingan niyang ahensiya pero nang mapunta sa SSS, aba’y opisyal na si madame… at nagkasungay agad!
Pangulong Digong, ibang klaseng korupsiyon ang estilo ni madame, dapat lang po na wakasan na ito.
Ikaw naman madame, mahiya ka naman sa mga anak mo…at sa mister mo!
Kahindik-hindik ang iyong kalandian!
AKSYON AGAD – Almar Danguilan