ARESTADO sa mga operatiba ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang hinihinalang isang terorista na may ugnayan sa teroristang Abu Sayyaf sa Barangay Culiat sa Quezon City.
Kinilala ni PNP CIDG Director, Chief Supt. Roel Obusan ang naarestong terorista na si Mohammad Amin aka Aklam Amin.
Ang pag-aresto kay Amin ay batay sa inilabas na warrant of arrest at search warrant na ipinalabas ng korte.
Naniniwala ang pulisya na nagawa nilang mapigilan ang posibilidad na planong terorismo ng grupong Abu Sayyaf sa Metro Manila.
Si Amin ay isang Indonesian bomb expert na may ugnayan sa ASG.
Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang granada, mga bala, iba’t ibang ID at cellphone.
Nakuha rin sa inuupahang kuwarto ni Amin ang mga cable at wires at electronic gadgets.
Sinabi ni CIDG-ATCU chief Police Chief Insp. Roque Merdeguia, ang higit nilang ikinababahala ang nakuha nilang blueprint ng isang condomall sa Quezon City sa posisyon ni Amin.
Ayon kay Merdeguia, hindi gawang biro na hawak ng isang katulad ni Amin na hindi naman architect o engineer kundi eksperto sa paggawa ng bomba, ang blueprint o plano ng isang gusali.
Posible aniyang pinag-aaralan ni Amin ang bawat sulok ng establisimiyento para sa planong pagtatanim ng bomba.
Arestado rin ng mga awtoridad ang kasama ni Amin na si Adnan Malangkis alyas “Abdul” na tubong Tipo Tipo, Basilan gayondin ang may-ari ng inuupahan niyang kwarto na si Bilal Taalam.