ARESTADO sa buy-bust operation ang isang aktibong empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sinasabing nagsu-supply ng ilegal na droga sa mga driver ng pampasaherong van at jeep, kinompirma ng pulisya nitong Lunes.
Ang suspek na si Dexter Lucas, 43-anyos, ay 13 taon nang nagtatrabaho bilang MMDA motorcycle rider, ayon kay Quezon City Police District director, Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar.
Ikinasa aniya nitong Linggo ang operasyon laban kay Lucas makaraan makatanggap ng impormasyon ang QCPD na nagtutulak siya ng droga sa Monumento at Recto.
Dagdag ni Eleazar, dinampot ang suspek makaraan magbenta ng P500 halaga ng shabu sa nagpanggap na buyer.
Sa follow-up operation, naaresto rin ang sinasabing supplier ni Lucas ng ilegal na droga, na si Jose Cua, 66-anyos.