MAGING sa banking o pananalapi ay maaaring gamitin ang Wikang Filipino, ayon kay Deputy Governor Diwa C. Guinigundo ng Monetary Stability Sector ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Bilang isa sa tagapanayam sa Pambansang Kumperensya at Sawikaan 2016 na ginanap sa University of the Philippines-Diliman, binigyang-diin ni Guinigundo ang aniya’y tatlong bagay na nagbubunsod ng pagbabago sa wika.
Una sa listahan niya ang isyu ng pakikilahok. Aniya, mahalaga na lubos na nauunawan ng publiko ang isyung pananalapi sapagkat bahagi ito ng “survival.”
Mariing tinututulan ni Guinigundo ang pananaw ng masa na ang pag-aaral ng pananalapi ay ekslusibo para sa mga eksperto, mayayaman at nakapag-aral lamang.
Dagdag niya, ang paggamit ng Filipino sa pananalapi ay hindi nakapagpapababa sa kalidad ng disiplinang ito.
Pagkatuto ang pangalawang isyu na nais bigyang diin ni Guguindo, na nagnanais din na patunayang magagamit ang Filipino maging sa seryosong usapan sa pananalapi.
Idiniin ni Guinigundo na nakasalalay sa kahusayan sa pambansang wika ang galing ng isang bansa.
Pangatlong isyu na nakaaapekto sa pananalapi ang pagkakataon na maaaring mapakinabangan kung marunong sa sariling wika
Maunlad ang China na hindi ganoon kagaling sa Ingles, saad niya.
Naniniwala si Guinigundo na maaari rin tayong umunlad sa pamamagitan ng ganap na intelektuwalisasyon sa wikang Filipino.