HINAMON ng mga senador si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na pangalanan ang binabanggit niyang senador na gumagamit ng cocaine.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, seryosong akusasyon ito at maaaring maging kasiraan ng lahat ng senador hangga’t hindi pinapangalanan ang tunay na dawit sa ilegal na gawain.
Habang para kay Senate President Koko Pimentel, saka na lang niya papatulan ang pahayag kapag may basehan na ito.
Ang mahalaga aniya ay hindi siya ang tinutukoy ng bise alkalde.
Sa panig ni Sen. Tito Sotto, sinabi niyang lahat na lang sila ay magpa-drug test upang maipakita sa publiko na malinis sila sa isyu ng droga.
At para kay Sen. Bam Aquino, dapat lahat na gumagawa at nagpapatupad ng batas ay sumailalim sa drug test.