ISINUKO ni Senador Antonio Trillanes IV nitong Biyernes ng umaga ang nagpakilalang isa sa mga hitman ng sinasabing Davao Death Squad (DDS), sa national headquarters ng pulisya sa Camp Crame.
Inilagay ng senador sa kustodiya ng mga pulis si Edgar Matobato ilang oras makaraan ilabas mula sa Senate Building sa Pasay City.
Tumestigo si Matobato sa pagdinig ng Senate justice committee, sa pamumuno ni Senator Leila de Lima, sa extrajudicial killings ng sinasabing DDS, sa ilalim ng pahintulot ni Pangulong Duterte noong alkalde pa lamang ng Davao City.
Unang dinala ni Trillanes si Matobato sa tanggapan ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa, ngunit wala roon ang hepe dahil sa isang “prior commitment.”
Naghain ng arrest warrant ang isang korte sa Davao laban kay Matobato makaraan mabigong dumalo sa itinakdang arraignment nitong Martes sa kasong illegal possession of firearms na isinampa laban sa kanya noong 2014.
SEGURIDAD TINIYAK NI GEN. BATO
TINIYAK ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa ang seguridad ng testigong si Edgar Matobato habang nananatili sa kustodiya ng PNP-CIDG.
Una rito, inihantid ni Sen. Antonio Trillanes si Matobato kay Dela Rosa makaraan maglabas ng warrant of arrest ang Davao court dahil sa kasong illegal possession of firearms.
Sinabi ng PNP chief, sisiguruhin niyang magiging ligtas ang buhay ni Matobato habang nasa kostudiya ng mga pulis.
Dagdag ng heneral, para masiguro ang seguridad ni Matobato ay iisyuhan nila ng bullet proof vest, kevlar helmet, bullet proof googles at mask.
Kung puwede lang aniya nai-armorize ang buong katawan ni Matobato ay gagawin nila upang matiyak lang ang seguridad.
Dagdag pa ni Dela Rosa, kung puwede pa nila pagsuotin ng bomb suit si Matobato ay gagawin din nila.