INIHAHANDA na ng Department of Justice (DoJ) ang isasampang kaso laban kay Sen. Leila de Lima.
Sinabi ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II, kakasuhan ang senadora ng kasong paglabag sa Dangerous Drug Act, Section 5, sakop nito ang pagbebenta, trading, administration, dispensation, delivery, distribution at transportation ng ilegal na droga.
Aniya, gagawing batayan nila sa pagsasampa ng kaso ang testimonya ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Rafael Ragos, at NBI agent Jovencio Ablen Jr., nagsasabing direkta silang nagbigay ng drug money sa dating kalihim.
LOOKOUT BULLETIN
VS DRIVER NI DE LIMA
MAGPAPALABAS ang Department of Justice (DoJ) ng lookout bulletin laban sa dating driver ni Sen. Leila De Lima na si Ronnie Dayan.
Ito ay nang mabigong sumipot si Dayan sa pagdinig ng House Justice Committee kahapon kaugnay ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP). Paliwanag ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, mayroon pang 24 oras si Dayan para magpaliwanag sa Kamara kung bakit hindi siya nakadalo sa pagdinig.