ITINUTURING ng Malacañang na pagpapatibay sa landslide victory ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing 84 porsiyento ng mga Filipino ay kontento sa ‘all-out war’ laban sa ilegal na droga ng administrasyon.
Sinabi ni Communications Sec. Martin Andanar, patunay itong naniniwala ang mayorya ng mga kababayan na epektibo ang inilunsad na anti-drug war ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Andanar, maka-aasa ang taongbayan na walang humpay ang gagawing kampanya laban sa ilegal na droga hanggang tuluyan itong maresolba at mailigtas ang bansa mula sa pagkasira dahil sa nasabing salot sa lipunan.
Kasabay nito, muling iginiit ng Malacañang, hindi kinukunsinti ng Duterte administration ang summary o extra-judicial killings sa drug suspects at katunayan, iniimbestigahan na ito ng PNP para mapanagot sa batas ang mga responsable sa mga patayan.