NAGBABALA si PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa mga drug dependent na tigilan na ang kanilang masamang bisyo.
Ito’y sa harap nang pagmahal ng presyo ng shabu na ngayon ay pumapatak na sa P6 milyon hanggang P7 milyon kada kilo kompara sa dating P1 milyon kada kilo nito.
Sinabi ni Dela Rosa, bunsod nang mahal na bentahan ay naghahanap ng ibang alternatibo ang mga adik tulad ng cocaine.
Nagbabala rin si Bato kaugnay sa bagong gimik ng mga sindikato sa pagpapakalat ng coccaine.
Pagbubunyag ng PNP chief, hinahaluan ng dinurog na salamin, bote o bubog o kaya ay puting buhangin ang cocaine.
Ayon kay Dela Rosa, puwede itong ikamatay ng mga adik dahil pumapasok sa sistema ng kanilang katawan ang lason o bubog.
Gayonpaman, naniniwala ang PNP chief na ang cocaine na tinangkang ipasok sa bansa kamakailan ay hindi rito sa Filipinas ang bentahan.
Ito ay dahil sa mababa ang demand ng cocaine sa loob ng bansa.
Giit ng PNP chief, ginagawa lamang trans shipment point ng mga sindikato sa Brazil ang Filipinas o itinatawid lamang dito ang kontrabando patungo sa kanilang target na bansang pagbagsakan nito.