ARESTADO ang tatlong miyembro ng Maute terrorist group na hinihinalang nasa likod nang madugong pagsabog sa Davao City na ikinamatay ng 15 katao at ikinasugat ng 70 biktima.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, naaresto ang tatlong suspek noong Oktubre 4 sa Cotabato City sa isinagawang checkpoint operation.
Aniya, may nakuha silang matibay na ebidensiya na nagpapatunay na ang nabanggit na mga terorista ang nasa likod ng Davao blast.
Kinilala ng kalihim ang tatlong suspek na sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendel Apostol Facturan at Musali Mustapha.
Naaresto ang tatlo nang tangkaing umiwas sa checkpoint habang lulan ng motorsiklo na walang plaka.
Nakuha sa kanilang posisyon ang mga materyales gaya ng improvised explosive devices, isang sub-machine gun, caliber .45 pistol at motorsiklo.
Ayon kay Lorenzana, batay sa inisyal na imbestigasyon at debriefing, natukoy na si Macabalang ang nag-detonate ng bomba, si Facturan ang naglagay IED sa isang upuan habang si Mustapha ang kumukuha ng video gamit ang kanyang cellular phone.
Dagdag ni Lorenzana, ang mga nakuhang larawan at video ay narekober sa cellphone na siya sanang gagamitin sa propaganda.