BIDA ulit sa pelikulang Stateside ang versatile actor na si Mon Confiado. Ang malaking bahagi ng pelikula ay kinunan sa Amerika at partly sa Pilipinas. Nagbigay nang kaunting background si Mon sa kanilang pelikula.
“Ako ang lead actor dito, ang Stateside ay kuwento ng Pinoy sa Amerika. Iyong
Stateside sa Filipino context, it means made in USA. At karamihan sa mga Pilipino ay bilib sa made in USA at karamihan, gustong makapunta sa Amerika.
“Ito ay kuwento ni Andrew na siyang papel ko rito, na pumunta sa Amerika at nakipagsapalaran para maka-ipon ng pera para sa pag-aaral ng nakababatang kapatid. Sa pagpunta sa Amerika, sari-saring pagsubok, hirap, at pasakit ang maranasan niya. Kaya makikita niya ang tunay na lupit ng Amerika! Hanggang siya ay maging TNT at homeless,” esplika ni Mon.
Dagdag pa niya, “Ito ay shinoot sa Hollywood, Los Angeles, Carson, EagleRock, Glendale, Palos Verdes, etcetera sa California, USA at sa Laguna at Recto sa Pilipinas. Ito’y sa direksiyon ng Fil-Am director na si Marcial Chavez at produced ng Fil-Am na si Francis Fabiculanan.
“Kasama sa pelikula ang mga Hollywood actors na sina Olivia Hultgren, Ryan Walker, Craig Cooper, Jose Rosete, Shaw Jones, Scott Engrotti, Marcus Natividad, Abe Pagtama, Aleeto Lee, Kodi Saint Angelo, Jerry Marr at mga Pinoy actors na sina Tim Mabalot, Leon Miguel, at iba pa.”
Hard action ba ito Mon?
Sagot niya, “Suspense Drama ito at may kaunting action din.”
Ano ang masasabi mo sa director at leading lady mo rito sa Stateside? “Sobrang pasasalamat ako sa director at producers. Napakagandang opportunity nito para makapasok sa Hollywood kahit na Pinoy ang theme ng pelikula. Nakakatuwang kuwentong Pilipino pa rin ang inihahain namin dito, pero 95% ng pelikula’y shinoot sa Amerika.
“Bilib na bilib ako sa director dahil halos siya lahat ang gumagawa sa Amerika. Siya ang director, camera, prod. designer, prod. manager, location manager… kapareho din ng producer, sila lahat ang nag-aasikaso, although may Hollywood crew kami. Mahal kasi ang labor ng Amerikano at per oras, eight hours lang dapat, pack-up na. Kaya bilib ako sa director ko at producer.
“Magaling ang leading lady ko rito at very professional.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio