KABILANG sina Robin Padilla, Lorna Tolentino, Boy Abunda at iba pang mga prominenteng pangalan sa showbiz world ang nagbigay ng kanilang reaksiyon sa pagkakadakip kay Mark Anthony Fernandez dahil sa nakuha umanong isang kilong marijuana sa kotse nito last October 3. Ngayon ay nakadetine ang dating miyembro ng grupong Gwapings sa Station 6 ng Angeles City Police.
Ayon sa FB post ni Binoe, “Purihin ang Panginoong Maylikha mahal kong Pamangkin ….. Nakahinga ako ng maluwag at naglulumuhod sa pasasalamat sa nag iisang Dios na makapangyarihan at ikaw ay buhay Mark.Hindi kami mapapatawad ng tatay mo kung may nangyaring masama sa iyo…sir Bato at sa Angeles city PNP tanggapin po ninyo ang malalim na pasasalamat at pagsaludo ng Padilla Family sa propesyonal at makatao na paghuli kay Mark Anthony Fernandez… Alhamdulillah”
Pinsang buo ni Robin ang namayapang ama ni Mark Anthony na dating action star na si Rudy Fernandez.
Sa ulat naman ni Mario Dumaual ng TV Patrol, ipinahayag ni Lorna Tolentino- madrasta ni Mark Anthony, ang pagkakadesmaya dahil posibleng may paglabag daw sa karapatang pantao ng aktor dahil walang abogado si Mark nang hingan ng pahayag. Pati na rin nang iprisinta si Mark Anthony sa isang presscon.
Ito rin ang paniniwala ng talent manager na si Lolit Solis na lumong-lumo sa kinasadlakan ni Mark. Naniniwala si Lolit na ginagamit ni Mark ang marijuana para sa kanyang medical condition na arthritis at anxiety, bunsod ng pagkamatay ng tatay nito mula sa cancer.
Pakiusap naman ni Ms. Marichu Maceda, “Mayroon dapat ibigay na konsiderasyon sa mga artista na ito. Magkamali lang minsan sisirain mo na ang career ng isang tao, kaunting respeto lang.”
Malungkot din ang host na si Boy Abunda. “Malungkot, Mark is very close to me. Inaanak ko si Mark e. Oo, I’d like to find out the story,” saad niya.
Ayon sa latest news sa usaping ito, nakadalaw na si Alma Moreno sa anak na si Mark Anthony, matapos ma-high blood dahil sa insidenteng ito.
Hindi ito ang unang insidente na nasangkot sa droga si Mark Anthony. Noong 2004 ay boluntaryong pumasok ang dating matinee idol sa Bicutan Rehabilitation Center.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio