“MULA Aparri hanggang Jolo…Eat Bulaga!”
Kung ang number one noon show “Eat Bulaga” ay napapanood mula Aparri hanggang Jolo via satellite, ang ‘kamay’ naman ng Quezon City Police District (QCPD) ay abot hanggang Aparri, Cagayan.
Hindi iyan via satellite ha, kundi pisikal na live na abot hanggang Aparri ang galamay ng QCPD na pinamumunuan ni Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T Eleazar bilang District Director.
Kaya kung inakala ng mga kriminal na naghahasik ng lagim sa Quezon City na hanggang sa lungsod o Metro Manila lang ang kayang abutin ng QCPD kaugnay sa kampanya laban sa kriminalidad o panghuhuli ng masasamang elemento na nagkakalat/nagkalat sa Kyusi, nagkakamali sila — nang malaki.
Dahil saan man sulok ng daigdig (puwede rin) este, ng bansa magtago ang mga nakagawa ng krimen sa lungsod, abot-kamay sila ng most awarded police district sa National Capital Region (NCR).
Teka, alin ba sa limang police district sa NCR ang most awarded police?
E ano pa nga ba at patuloy pang ipinakikitang hindi ito nagbabago sa kampanya laban sa kriminalidad, kundi ang QCPD. Kunsabagay, ilan taon na rin nitong hawak ang korona – walang palyang iniuuwi ang award sa loob ng maraming taon simula noong 2008.
Balik tayo sa mga kriminal na inakala’y hindi sila abot ng QCPD kapag nagtago na sila saan man sulok o pinakamalayong sulok ng bansa.
Hayun, inakala ni Geronimo Iquin alyas Jhun ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City na bumaril at nakapatay kay QC volunteer traffic enforcer Ernesto Paras Jr., na sa kanyang pagtatago sa Aparri ay hindi na siya susudnan doon ng QCPD.
Well, ‘yan ang maling pag-aakala ni Iquin dahil ibang klaseng magtrabaho ang QCPD.
Sa isinagawang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) na pinamumunuan ni Supt. Rodelio Marcelo at Cubao Police Station 7 na pinamumunuan ni Supt. Rolando Balasabas, natunton sa isang hotel sa Aparri si Iquin na tubong Tuguegaro City sa lalawigan din ng Cagayan.
Bago ang pagkaaresto ni Iquin, Oktubre 1, 2016, kinabukasan nang pagkakapatay kay Paras, agad nagsagawa ng follow-up operation ang CIDU at PS 7 na una’y nagresulta sa pagkakarekober ng sasakyang gamit ni Iquin nang mapatay niya si Paras matapos magtalo nang tanggalan ni Paras ng plaka ang sasakyang gamit ni Iquin.
Sa tulong ng may-ari ng sasakyan, kinilala si Iquin kaya hindi na siya tinigilan ng mga operatiba. Sinimulan ang operasyon sa San Miguel, Bulacan matapos makatanggap ng info na naroon ang suspek pero nakakalas na.
Nagpatuloy ang grupo ng pulisya hanggang umabot sa Nuva Ecija, Nueva Vizcaya na umabot sa Cagayan.
Hayun, sa pamamagitan ng info na nakalap ng QCPD, natunton at naaresto si Iquin sa Dream Land Hotel sa Brgy. Macanayan, Aparri, Cagayan nitong Oktubre 3.
Siyempre, tumulong din sa operasyon sa isinagawang koordinasyon ang police stations ng Santiago City, Isabela, Tuguegaro City at Aparri. Salamat po!
Ngayon sa pagkakahuli kay Iquin, patunay lamang na saan man sulok ng bansa magtago ang isang kriminal na nagkalat sa Kyusi, ay abot-kamay sila ng QCPD.
E ba’t ganoon na lamang ang sipag at galing ng QCPD laban sa kriminalidad? Isa lang po ang kasagutan diyan. Tapat na nagtatrabaho ang lahat ng pulis ng QCPD dahil sa suporta ng kanilang district director sa kanila na si S/Supt. Eleazar. Bukod sa ipinakikitang good leadership ni Eleazar bilang kanilang District Director.
Heto nga e, habang isinusulat ang kolum na ito, nag-text si DD sa inyong lingkod na may huli na naman silang bigtime drug dealer – isang babae nakompiskahan ng P2.7 milyon halaga ng ecstasy ang nakompiska sa kanya sa isinagawang buy-bust operation ng DAID at DSOU.
S/Supt. Eleazar, Supt. Marcelo, Supt. Balasabas, sampu ng inyong mga opisyal at tauhan. Maraming salamat sa inyong katapatan sa paglingkod sa bayan.
Congratulations!
“Mula Aparri hanggang Jolo, saan man kayo magtago (kayong mga kriminal) ay abot kamay kayo ng QCPD!”
AKSON AGAD – Almar Danguilan