KINOMPIRMA ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, narito na sa Filipinas ang ISIS na pangunahing banta ng seguridad ngayon sa mundo.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag sa kanyang pakikipag-usap sa mga miyembro ng Philippine Army (PA) sa Fort Bonifacio, Taguig City kahapon.
Sinabi ni Pangulong Duterte, patunay rito ang kanyang namamataang mga Arab sa Mindanao na nagpapanggap na scholars ngunit itinuturo ang tinatawag na ‘historical hurt’ o pinagdaanang pahirap ng mga Muslim.
Ayon kay Duterte, ito ang dahilan kaya patuloy ang kanyang direktiba sa mga sundalo na baguhin na ang pag-iisip sa mga bagong kalaban na wala na sa kabundukan.
Kasabay nito, tiniyak ng pangulo na kanyang ibibigay ang lahat ng kailangan ng mga sundalo para matalo ang kalaban at mapanatili ang seguridad at pambansang integridad ng bansa.
“Nandito na sa atin (ISIS). There are a lot of… nakakita ako Arabs, diyan naglalakad sa… Davao City. And they are called scholars, they preach not religous things but ‘yung ano, historical hurt ng Muslim world. E gusto man nating mag-sympathy, tapos na ‘yun e,” ani Pangulong Duterte.