NANANATILING posible ang kudeta laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, pahayag ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco.
Ito ay dahil mayroong mga personalidad na hindi masaya sa pamamalakad ni Duterte sa administrasyon, katulad ni Senador Antonio Trillanes IV at Liberal Party, aniya.
Gayonman, sinabi ni Evasco, ang kudeta ay hindi magtatagumpay dahil sa high trust rating ni Duterte.
Hindi ibinunyag ni Evasco kung saan niya nakuha ang impormasyon kaugnay sa namumuong kudeta.
Sa kabilang dako, itinanggi ni Trillanes na siya ang nasa likod ng sinasabing planong kudeta.
“Hindi po totoo ‘yan at wala po akong kinakausap na mga miyembro ng Liberal Party o kung sino man ukol sa ganyang bagay. Ako po’y naniniwala na ‘yan ay panlilinlang dahil sila ay humaharap ng kaliwa’t kanang pagbabatikos,” pahayag ni Trillanes.
Wala pang komentao ang Liberal party kaugnay sa pahayag ni Evasco.
Wala rin ibinigay na komentaryo ang Armed Forces of the Philippines kaugnay sa isyu at sinabing biniberipika pa nila ang impormasyon.