HINDI napigilan ni Sen. Richard Gordon ang pumuna sa ilang pananalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na minsan ay nagiging kontrobersiyal.
Ginawa ni Gordon, chairman ng Senate committee on justice and human rights, ang pahayag habang nasa kasagsagan nang pagdinig sa isyu ng extrajudicial killings sa bansa.
Diretsahang sinabi ni Gordon na mismong “nadadapa ang presidente sa kanyang sariling espada” dahil sa mga pananalita.
Partikular na tinukoy ng senador ang paboritong sinasabi palagi ng chief executive na “I will kill you” sa drug lords at mga sangkot sa ilegal na droga.
Ani Gordan, “That is not right.”
“He is falling on his own sword. Nadadapa siya sa kanyang espada. Well, salita siya nang salita, napagbibintangan tuloy ang buong bansa na ganyan ang nangyayari,” ani Sen. Gordon sa public hearing sa Senado.
“Kaibigan ko ang presidente pareho kami nag-mayor pero ayokong salita nang salita ang presidente kung ano ang gagawin niya. Pero dapat sasabihin na masyadong marami ang walang naso-solve, hulihin natin, maso-solve ‘yan.”
Tinuligsa ni Gordon si Pangulong Duterte na bilang presidente ay mayroon siyang tungkulin na maging “statesman” kaya dapat mag-ingat sa mga pahayag na nagbibigay nang maling pananaw ng mga taga-ibang bansa sa Filipinas.
Nagpasaring pa si Gordon na kung lagi na lang masasamang pananalita ang maririnig sa presidente, maaaring baguhin na rin ang slogan ng turismo sa bansa bilang “Welcome to P.I.”
Sa kabila ng batikos ni Gordon, agad siyang kumambiyo na ginawa niya ito bilang kaibigan ng pangulo at pareho pa silang naging mayor.
At kaya niya nagawa ito ay dahil isa siyang senador ng bayan.
Kung sakali man aniyang magalit ang presidente ay walang magagawa ang mambabatas.