INILIPAT na sa Philippine National Police (PNP) headquarters kahapon ang apat high-profile inmates na sangkot sa pananaksak sa Building 14 ng New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Bureau of Corrections chief Rolando Asuncion, ang convoy na naghatid kina dating Chief Inspector Clarence Dongail, Tomas Doniña, Edgar Cinco at Ruben Tiu, ay umalis ng NBP compound sa Muntinlupa City dakong 8:30 am kahapon.
Dumating ang convoy sa PNP national headquarters sa Camp Crame, Quezon City makaraan ang isang oras.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II nitong Sabado, ang apat inmates ay ipipiit pansamantala sa main office ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Sinabi ni Asuncion, ang paglilipat sa inmates ay hiniling mismo ng CIDG.
“Pinayagan kong dalhin sa CIDG at doon imbestigahan sapagkat very tense daw sa loob ng Bilibid ‘pag doon nag-iimbestiga,” ayon kay Aguirre.
Si Tony Co, isang high-profile inmate sa NBP Building 14, ay napatay sa nasabing insidente.
Ang iba pang high-profile inmates sa Building 14 na sina Jaybee Sebastian, Peter Co at Vicente Sy, pawang sugatan, ay nilalapatan ng lunas sa Medical Center Muntinlupa.