HINIMOK ng Department of Justice (DoJ) ang kampo ng high profile inmate na si Jaybee Sebastian na maghain ng sinumpaang salaysay o affidavit makaraan tanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit niyang makausap ang punong ehekutibo para isiwalat ang nalalaman kaugnay sa sinasabing paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Sinabi ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, puwedeng sa kanya mismo makipag-usap ang abogado ni Sebastian na si Atty. Eduardo Arriba.
Habang nilinaw ng DoJ, hindi ito sapilitan at dapat ay galing mismo ang inisyatibo kay Sebastian kung nais ng kanyang kampo na makipag-usap kay Aguirre.
Una rito, sinabi ni Aguirre, posibleng paharapin si Sebastian sa pagdinig sa Kamara sa susunod na linggo kaugnay ng illegal drug trade sa NBP na iniuugnay si dating DoJ chief at ngayon ay Sen. Leila de Lima.