KINOMPIRMA ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang pagpasok ng panibagong bagyo sa bansa ngayong araw, Oktubre 1, may international name na Chiba.
Ayon sa weather advisory na inilabas ng Pagasa, ang nasabing bagyo na tatawaging Igme ay namataan sa 1,500 kilometro Timog ng Southern Luzon.
Ito ay may lakas ng hangin na 85 kilometro kada oras at pagbugso na aabot sa 105 kilometro kada oras.
Patuloy na kumikilos ang nasabing bagyo sa direksiyong kanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Nilinaw ng Pagasa, hindi ito direktang tatama sa lupa bagama’t magdadala nang magaan hanggang sa katamtamang pagbuhos ng ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON at mga lalawigan sa Mindoro.
Ang nasabing mga pag-ulan ay dahil sa dalang low pressure area (LPA) na hinihila ng hanging habagat.