NIREREBYU na ng CIDG investigator ang closed-circuit television (CCTV) footage na kuha noong nangyari ang pananaksak sa loob ng national penitentiary sa maximum security building kahapon ng umaga.
Ayon kay Bureau of Corrections (Bucor) OIC Director retired General Rolando Asuncion, tinitingnan na ng mga imbestigador ang CCTV.
Kompiyansa si Asuncion na ang nasabing CCTV ay makapagbigay nang linaw kaugnay sa Bilibid incident.
Inamin niya na nakita niya ang ilang frames ng CCTV bago ito nai-turn over sa CIDG.
Una rito, lumalabas na mayroong dalawang bersiyon ng istorya kaugnay sa nangyaring riot kamakalawa sa loob ng Bilibid na ikinamatay ni Tony Co habang tatlo ang sugatan na sina Jaybee Sebastian, Peter Co at Vicente Sy.
Samantala, ayon kay PNP spokesperson, Senior Supt. Dionardo Carlos, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Sinabi niya na ang resulta ng imbestigasyon ay isusumite ng CIDG sa pamunuan ng New Bilibid Prison (NBP) at sila na ang magsasagawa ng anunsiyo ukol dito.