LAOS man este, huwag naman laos at sa halip ay sabihin na natin naligaw ng landas ang naarestong si Sabrina M (Karla Salas Palasigui sa totoong pangalan), masasabing malaking dagok na rin ang pagkakahuli ng dating sexy star sa larangan ng showbiz.
Kahit na paano, hindi man aktibo ngayon sa showbiz si Sabrina M, siya ay kinikilala pa ring artista at nandiyan iyong hinalang may posiblidad na may mga kliyente siyang artista sa kanyang pinatatakbong ‘negosyo.’
Sa bahagi ng umarestong Quezon City Police District na pinamumunuan ng masipag at magaling na si Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar bilang District Director, hindi man malaking isdang huli si Sabrina M, ito ay maituturing na malaking hakbang sa pulisya para ‘mapasok’ ang larangan ng movie personalities para matukoy at maaresto ang mga tulak (na artista) na tulad ni Sabrina M.
Kung baga, sa pagkakahuli ng pinagsanib na puwersa ng QCPD District Anti-Illegal Drugs (DAID) at District Special Operation Unit (DSOU) kay Sabrina M, dito na mag-uumpisa ang pulisya para makilala at matukoy ang celebrities na tulak o gumagamit ng droga tulad ng shabu partikular ang party drugs na “ecstasy.”
Lalo na nang sabihin ni Eleazar na malaki ang posiblidad na may mga artistang customer si Sabrina M. Nasabi ni Eleazar ito dahil — sino ba si Sabrina M. Ano ba ang dati niyang trabaho? Saan ba siya nakilala?
So may punto nga si Eleazar. Kasi isa sa ibig sabihin nito malaki ang posiblidad na may mga naka-jamming (si Sabrina M) na mga artista…at posibleng suki sa droga.
Katunayan nang tanungin sa pulong balitaan nitong Lunes si Eleazar kung may mga ikinanta nang artista si Sabrina M makaraang isalang sa imbestigasyon matapos maaresto nitong nakaraang Linggo ng gabi (Setyembre 25), hindi masabi ng opisyal kung may ikinantang artista si Sabrina M at sa halip, sa kanila na muna ang impormasyong kanilang nakalap sa nadakip.
Kaya kung susuriin, malaki ang posibilidad na may ikinanta ngang artista si Sabrina M.
Bukod dito, inihayag ni Eleazar, ito ang umpisa o nag-umpisa na ang kanilang kampanya laban sa mga artistang gumagamit o nagtutulak ng droga.
Isa pang senyales na maaaring may ikinanta ang panawagang mas makabubuti kung sumuko ang mga artistang gumagamit ng droga kaysa hintayin pa nilang kakatukin ang kanilang pintuan.
Naku! Huwag lang kayong manlaban. He he he… kundi may paglalagyan kayo. Sa pelikula lang kayo magaling bumunot ng baril.
Pero nangako naman ang direktor na hindi nila kakasuhan ang mga artistang susuko at sa halip ay tutulungan para magbagong-buhay.
Sino kaya ang mga artistang ikinanta ni Sabrina M (iyan ay kung mayroon ha, pero QCPD na lamang ang nakakaalam)? Ilan kaya ang lalaki? Ilan kaya ang babae? May mga kilalang kabataang artista ba o may edad-edad na rin at medyo laos na?
Mga ‘igan, itinuturing pa naman kayong idol ng marami, tulad ng sinabi ni Eleazar, mas maganda kung sumuko na kayo kaysa isapubliko pa ang inyong mga pangalan. Kunsabagay, sumuko man kayo o hindi, para rin naisapubliko ang inyong mga pangalan, lamang, mas pogi yata ang dating kung susuko kaysa maaresto matapos na ianunsiyo sa publiko ang inyong mga pangalan – kung sino man kayo, sumuko na kayo alang-ala sa larangan ng showbiz. Oo nadadamay kasi ang nakararaming matinong artista.
Sa QCPD naman, Sr. Supt. Eleazar, oo nga’t hindi malaking isda si Sabrina M pero ano pa man, masasabing isang magandang accomplishment ang trabahong ito. Saludo ang publiko sa inyo, maging kina Supt. Rogarth Campo, hepe ng DSOU at DAID chief, Supt Godofredo Tul-O…at sampu ng inyong mga tauhan.
AKSYON AGAD – Almar Danguilan