KAPIT-TUKO si outgoing Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman Roberto Garcia sa kanyang puwesto na nangakong hindi ibibigay ang liderato ng freeport kay Martin Diño hangga’t hindi nagpapakita ng nilagdaang appointment letter.
Kasabay nito, isang career official ng SBMA ang nagsabing ipinangako na raw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dating chairman ng Volunteers Against Crime and Violence (VACC) ang SBMA bilang bayad-utang sa ginawa niya para makatakbo ang dating Davao City mayor.
“Kinumpirma na raw ng kanang kamay ni Duterte na si Bong Go sa text na si Diño na ang SBMA chairman kahit hindi kuwalipikidado sa posisyon,” ayon sa source na nasa SBMA pa rin.
Matunog din na itatalaga ni Duterte bilang SBMA administrator ang isang kamag-anak ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo kaya nangangamba ang mga locator sa freeport na mabalasubas ang operasyon roon.
Ilang locators din sa SBMA ang nagpaplanong lumipat sa Vietnam at Malaysia kung magpapatuloy ang tiwaling sistema sa freeport matapos mangako si Diño kay Garcia na palulusutin o hindi pakikialaman ang midnight deals na ikalulugi ng bilyong piso ng pamahalaan.