INIHAYAG ni PDP Laban Policy Studies Group head at Membership Committee National Capitol Region chairman Jose Antonio Goitia na wasto ang pagsibak kay Senador Leila de Lima bilang tagapangulo ng Committee on Justice and Human Rights dahil hindi tamang gamitin ang Senado para maprotektahan ang sarili sa imbestigasyon at kailangan ito para mapangalagaan ang katayuan ng Senado bilang patas na institusyon.
“Tulad ng karaniwang reklamo ng mga kritiko ni Pangulong Duterte, nagparatang si De Lima na ang hakbang laban sa kanya ay censorship at panggigipit na malayo sa katotohanan,” ani Goitia. “May sentimyento rin sina Senador Richard Gordon, Sherwin Gatchalian, JV Ejercito at Joel Villanueva na nakakaladkad ang institusyon sa iringan nina De Lima at Duterte.”
Ayon kay Goitia, pangulo rin ng PDP Laban San Juan City Council, kung sinsero si De Lima sa paghahanap ng katotohanan at katarungan dapat niyang igalang at tanggapin nang buong pagpapakumbaba ang desisyon ng mga kapwa senador at hindi sisihin si Duterte na nasa likod ng pagpapatalsik sa kanya na pang-iinsulto sa integridad ng kanyang mga kasamahan sa Senado.
“Para kay Gordon na pumalit kay De Lima bilang pinuno ng Justice Committee, maraming naniniwala sa Senado na nawala ang pagiging obhetibo ng pagdinig sa extrajudicial killings samantalang sinabi ni Sen. Grace Poe na bumoto sa pagpapatalsik sa kanya na kailangang walang pag-aalinlangan sa pagiging patas ng imbestigasyon,” ani Goitia.
Idinagdag ni Goitia na ginamit ni De Lima ang Senate hearing para ituloy ang kanyang nakalipas na imbestigasyon sa Davao Death Squad (DDS) kaya hinatulan na niya si Duterte at nagkaroon ng pagdududa sa kanyang layunin nang iprisinta ang nagpakilalang miyembro ng DDS na si Edgar Matobato na walang kaugnayan sa iniimbestigahang extrajudicial killings sa kasalukuyan.