INIHAYAG ni PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, isasailalim din ng pulisya sa Oplan Tokhang ang mga artistang kabilang sa drug list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayonman, sinabi ni Dela Rosa, hindi pa niya nakikita ang nasabing listahan.
“Sa mga artista kung ibigay ni Presidente sa akin ‘yung listahan na ‘yun, gusto mo i-Tokhang natin sila? Ito-tokhang natin. Sama kayo?” pahayag niya sa reporters.
Sa Oplan Tokhang, bibisitahin ng mga pulis ang hinihinalang drug user at pusher sa kanilang bahay upang kombinsihing sumuko.
Nitong Sabado, sinabi ni Incoming Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman Martin Diño, umaabot sa 50 artista ang kabilang sa drug list ni Pangulong Duterte.
Aniya, halos sampu sa mga artistang nasa listahan ay hinihinalang mga pusher habang ang karamihan ay gumagamit ng party drugs.
Tumanggi siyang tukuyin ang mga artista, sinabing si Duterte ang bahalang magsapubliko sa kanilang pangalan.
“Iyong iba nakikita na natin tapos merong mga bago, lalong-lalo na mga bata. Ang ganda ganda ng buhay mo tapos sisirain ka lang ng droga,” ani Diño.
Sinabi ni Dela Rosa, personal niyang bibisitahin ang mga artista sa kanilang bahay at sa TV networks.
“Katukin natin sa kani-kanilang bahay, kani-kanilang TV station. Surrender na kayo kasi identified kayo na user,” aniya.
Idinagdag niyang ang mga artista ay dapat din isailalim sa Oplan Tokhang.
“I-Tokhang natin. Tinokhang nga natin ‘yung mga high-end subsdivisions diyan, sila pa na public figure. They should be open to the public,” dagdag ni Dela Rosa.