DAVAO – Maaaring arestohin si Edgar Matobato, ang self-confessed member ng Davao Death Squad (DDS) na itinuturong responsable sa pagpatay sa mga kriminal sa lungsod, kahit siya ay nasa Senado.
Ito ang inilinaw ni Atty. Arnold Rosales, director ng National Bureau of Investigation (NBI) – Davao Region, makaraan maisampa ang kasong frustrated murder laban sa tumatayong testigo sa extrajudicial killings.
Una nang tumungo sa NBI si Atty. Abeto Salcedo Jr., dating regional adjudicator sa Department of Agrarian Reform Adjudication Board-XI, na naging survivor sa pananambang noong Oktubre 2014.
Bukod kay Matobato, dalawa pang hindi kilalang armado ang kasama sa sinampahan ng kaso.
Positibong kinompirma ni Salcedo Jr., si Matobato nang makita sa Senado bilang testigo hinggil sa extrajudicial killings.
Sinabi ni Salcedo, hindi niya makalilimutan ang mukha ni Matobato na suspek sa pananambang sa kanya.
Ayon kay Atty. Rosales, oras na mailabas ang warrant of arrest laban kay Matobato, agad nila itong isisilbi lalo na’t wala na siya sa Witness Protection Program.