WALA pang natatanggap na liham ang Department of Foreign Affairs (DFA) mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para pormal na maimbitahan ang mga rapporteur o kinatawan ng United Nations (UN) na nagnanais mag-imbestiga sa sinasabing nagaganap na extrajudicial killings sa bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Foreign Affairs spokesman Charles Jose, kaklaruhin muna nila sa Pangulong Duterte kung ang Palasyo o ang DFA na ang magpapadala ng imbitasyon.
Ngunit base aniya sa mga pronouncement ng Pangulo, sinabi ni Asec. Jose, partikular na inatasan ng Chief Executive si Executive Secretary Salvador Medialdea na gumawa ng liham.
Sakaling mayroon nang imbitasyon, magkakaroon pa ng konsultasyon ang Filipinas at UN rapporteur.
Paliwanag ni Asec. Jose, kailangan munang mailatag ang terms of reference (TOR) o mga panuntunan kung paano ang gagawing imbestigasyon ng human rights group.