NANAWAGAN si Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr., sa international community na huwag pakialaman ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kriminalidad at ilegal na droga.
Sinabi ni Yasay sa United Nations (UN) General Assembly sa New York, desedido ang administrasyong Duterte na wakasan ang mga ilegal na gawain sa bansa kabilang na ang pagtutulak ng droga.
Dapat din aniyang hayaan ng UN ang pamahalaan na resolbahin ang problema sa bansa na walang ibang nasyon ang nakikialam.
Ngunit sa kabila nito, siniguro ni Yasay na susunod sa “rule of law” ang pamahalaan sa pagpapatupad sa kampanya laban sa ilegal na droga.
“We have not and will never empower our law enforcement agents to shoot to kill any individual suspected of drug crimes. And yet, under our established rules of engagement, our police have the right to defend themselves when their lives are threatened. Extrajudicial killings have no place in our society and in our criminal justice system,” ani Yasay.
Magugunitang binatikos ng international community kabilang na ang UN, ang nangyayaring patayan sa bansa na kinasasangkutan ng drug pushers at users, na labis na ikinagalit ng Pangulo.