WELCOME kay Senator Grace Poe ang pahayag ng Department of Education (DepEd) na pag-aaralan nila ang maagang pagpapatupad ng holiday break para sa mga estudyante upang mapahupa ang Christmas traffic situation.
“We thank DepEd (Department of Education) Secretary Leonor Magtolis-Briones for including our proposal on the DepEd’s executive committee,” pahayag ni Poe.
Nauna rito, sinabi ng DepEd, seryoso nilang pinag-aaralan ang panukala ni Poe na isara ang mga paaralan, mas maaga nang dalawang linggo para sa Christmas break, upang solusyonan ang tumitinding traffic situation tuwing holiday season.
“Hindi ba natin puwedeng pag-aralan na gawin hanggang December 12 ang pasukan or hanggang first week or a little bit until second week hindi ‘yung katulad dati na December 18 may pasok pa ang mga bata? Baka puwedeng first week of December wala nang pasok,” pahayag ni Poe.
Ayon kay Poe, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Tonisito Umali, ikokonsidera nila ang panukala, ngunit kailangan dagdagan ang calendar days.
Ipinunto rin ni Umali na hindi dapat makompromiso ang nakatakdang examination dates ng mga estudyante.
Gayonman, sinabi ni Poe, hihilingin niya sa DepEd na ikonsidera ang kanyang panukala sa gaganaping Senate hearing para sa P570.4-billion budget ng ahensiya ngayong araw, Setyembre 26.
“Habang naghahanap ng pangmatagalang solusyon sa trapik ang ating pamahalaan, kailangan ng suporta ng lahat ng stakeholders na gagawin din nila ang nararapat na aksiyon sa pinakamabuting paraan upang maibsan ang stress level ng ating mga kababayan tuwing sasapit ang holiday rush,” aniya. ( ROWENA DELLOMAS-HUGO )