Monday , December 23 2024

Duterte matagal nang target ng US (Iniligwak ng WikiLeaks)

092616_front

MATAGAL nang target ni Uncle Sam na iugnay sa vigilante killings si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang nabatid sa iniligwak ng WikiLeaks na confidential cable na isinulat at ipinadala ni US Ambassador to the Philippines Kristie Kenney sa Washington DC noong Mayo 8, 2009.

Batay sa sinabing ulat ni Kenney, nagpadala siya ng political officer mula sa US Embassy sa Davao City noong Abril 23-24, 2009 para mangalap ng impormasyon hinggil sa Human Rights Watch Report na laganap ang vigilante killings sa nasabing siyudad.

Ani Kenney, nakausap ng kanyang political officer sa private meeting ang ilang opisyal ng Davao City at kinatawan ng civil society groups Coalition Against Summary Execution (CASE) at ang Tambayan Children’s Center, mga organisasyon na nagpupursigeng maimbestigahan ang vigilante killings sa siyudad at nangangalaga sa mga testigo.

Pinuri ng dalawang organisasyon ang anila’y paghamon sa isang public hearing ni noo’y Commission on Human Rights (CHR) Charperson Leila de Lima kay dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte na sagutin ang mga akusasyon na may basbas ng alkalde ang vigilante killings sa lungsod.

Sabi sa ulat ni Kenney, ayon sa isinugo niyang political officer, mula noong 1998 ang kalimitang biktima ng vigilante killings sa siyudad ay “petty criminals and street children,” ang patayan ay kagagawan ng hired killers; bigo ang pulisya na imbestigahan ang naturang mga krimen at protektahan ang mga testigo at ang patayan ay may malawak na suporta ng publiko.

Sa pulong aniya ng US political officer at ni noo’y CHR Regional Director Alberto Sipaco, inamin ng huli na nakiusap siya kay Duterte na kaklase at fraternity brother niya sa San Beda College of law, na ipatigil ang vigilante killings ngunit ayaw paawat ng alkalde.

“I’m not done yet,” sabi umano ni Duterte kay Sipoco.

Sa cable ay aminado si Kenney na sa kabila nang nakuhang atensiyon sa ibang bansa ng patayan sa Davao City bunsod ng ulat ng Human Rights Watch ay hindi galit ang mga residente ng siyudad.

Kinilala ni Kenney na ang kombinasyon nang mahigpit na control ni Duterte at pagbalewala ng publiko sa vigilante killings kaya hindi naging agresibo ang civil society groups sa pagpupursige sa usapin.

“With the police failing to make any progress on investigations, the CHR and civil society groups have become the primary advocates on the issue,” ani Kenney.

Ang pagiging epektibo o kabiguan ng CHR, ani Kenney, ay depende sa kakayahan nitong mangalap nang sapat na testigo para makapagsampa nang matibay na mga kaso.

Kailangan aniya ng suporta ng CHR sa pambansang pamahalaan, mula sa Department of Justice at Philippine National Police para makatagal sa inaasahang pag-atake sa kanila ni Duterte at umusad ang mga ihahaing kaso.

Dagdag ni Kenney, hihintayin ng US ang ilalabas na report ng CHR para mapag-aralan kung paano aayudahan ang civil society groups, CHR at iba pang institusyon upang makapagsulong nang kapani-paniwalang imbestigasyon sa Davao vigilante killings.

“Following the upcoming issuance of the CHR report, the Mission will carefully assess the most viable channels for targeted USG assistance to help civil society groups, the CHR, or other Philippine institutions pursue credible investigations of the Davao vigilante killings,” ani Kenney.

Matatandaan, isiniwalat ni Duterte kamakailan na ginamit siyang instrumento ni De Lima para sumikat mula nang siya’y CHR chairperson, DoJ secretary at ngayo’y senador ngunit walang naisampang kaso laban sa kanya kaugnay sa vigilante killings.

Noong Enero 15, 2016, nagpasya ang Ombudsman na walang ebidensiya para suportahan na ang patayan na sinasabing kagagawan ng Davao Death Squad ay sangkot si Duterte, at ito ay tsismis lang.

“There being no evidence to support the ‘killings attributed or attributable to the DDS,’ much less the involvement of Mayor Rodrigo Duterte and the local police officials of Davao to (sic) said acts, this Office tends to agree with the Commission’s Regional Director Sipaco that ‘it would be unbecoming of the Commission if through chismis and other gossips, we would be relying on it as a fact already when there are no supporting justification (sic).’”

Mula nang maluklok sa Palasyo ay ilang beses nang binatikos ni Duterte ang US sa panghihimasok sa human rights issue sa Filipinas ngunit sa sariling bakuran ay hindi kayang awatin ang paglabag sa karapatang pantao ng black Americans at marami aniyang inutang na dugo si Uncle Sam sa bansa, sa Syria, Iraq, Libya at Afghanistan at iba pang bansang sinakop nito.

ni ROSE NOVENARIO

About Rose Novenario

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *