INABISOHAN na ng Senate committee on justice and human rights ang mga pulis na isinangkot ni Edgar Matobato sa Davao Death Squad (DDS) para sa susunod na pagdinig.
Ayon kay committee head Sen. Richard Gordon, baka 15 pulis ang kanilang paharapin para maipagtanggol ang kani-kanilang sarili.
Ngunit taliwas sa pagsalang ni Matobato sa witness stand, magiging executive session muna ito bago dalhin sa session hall.
Layunin nitong madetermina kung may sapat na basehan ang pagsalang sa mga pulis.
Giit ni Gordon, gigisahin lamang ang naturang mga personalidad sa harap ng publiko kung kakikitaan ng corroborating evidence laban sa kanila.
Naniniwala ang senador na malaki ang magiging epekto sa buhay ng mga pulis kung agad silang pupuntiryahin ng kritisismo dahil lamang sa mga alegasyon ng self confessed criminal na si Matobato.