MARAMING pangarap sa buhay si Coco Mark. Isang newcomer sa mundo ng showbiz, sa tulong ng director na si Paul Jake Paule ay sumabak siya sa basic at advanced acting workshop ng Artist Playground & Talent Factory Inc. last year.
Mula rito, nakagawa na siya ng mga commercial at nakalabas na rin sa ilang TV shows tulad ng 700 Club Asia, MMK, Pasion de Amor, Pangako Sa ‘Yo, Juan Tamad at Pepito Manaloto.
Sa ngayon, ang 23 year old na tubong Ilocos Norte ay isa sa bida sa stage play na Lagablab ng Artist Playground na nagsimula na noong September 23. Ito ay isinulat si Dan Hollanda at mula sa direksiyon ni Paul Jake Paule. Mapapanood ito sa The Little Room Upstairs, 1701 Landsdale Tower, Mother Ignacia Ave. corner Timog, QC at tatakbo hanggang October 30 (Fridays-7 pm, Saturdays and Sundays-3 at 7 pm.)
Nagbigay si Coco nang kaunting background sa play nilang Lagablab. “Ang story po nito, ikakasal na sana kami ni Chayong, pero pinili kong ipaglaban ang bayan, World War 2 po kasi ang setting nito.
“Ako po rito si Unyo at kabilang sa alternate ko rito sina Christian James Tiongson and Miguel Arnaldo. Sina Mariella Munji Laurel, Ira Ruzz, Jhaeka Madronio, Jacelle Escanan, at Farlin Flores po naman ang mga gumaganap as Chayong.”
Ano’ng inaasahan mong mangyayari sa iyo sa showbiz? “Inaasahan ko po na maging successful at makapasok ako sa TV at sa pelikula,” wika niya.
Sinabi rin niya na si Coco Martin ang kanyang idol at gustong sundan ang yapak.
“Bago pa man naging sikat si kuya Coco Martin, humanga na po ako sa kanyang dedikasyon na makatulong sa kanyang pamilya. At hanggang ngayon sinusubaybayan ko lahat ng mga shows niya dahil ang galing niyang umarte talaga. Lagi ko po siyang pinapanood sa Ang Probinsyano. Idol ko talaga siya.
“Naging Coco Mark ang screen name ko dahil may mga tao na nagsasabing ka-look- alike ko raw po si kuya Coco at Mark Fernandez. Advice rin ng isang direktor na ituloy ko na lang na Coco Mark ang maging screen name ko.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio