ARESTADO ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang indibidwal na kabilang sa target list at napag-alamang nagtatrabaho bilang bodyguard ni Bukidnon Governor Jose Maria Zubiri.
Naaresto si Marlou Madrial nang isilbi ng PDEA ang isang search warrant para sa kanyang bahay sa Brgy. Labuagon, Kibawe, Bukidnon.
Nakuha mula sa bahay ni Madrial ang pitong pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P112,500 gayondin ang isang kalibre .45 pistol, mga drug paraphernalia at ilang bala.
Napag-alaman, nagtatrabaho si Madrial bilang bodyguard ni Zubiri at administrative aide 4 ng Bukidnon provincial government.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kampo ni Zubiri ukol sa insidente.
Bukod kay Madrial, dinampot din ng PDEA sina Dave Tompong, Richard Taborada, Romel Montaño at Lino Tompong na nasa loob ng bahay ng suspek.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.