NAKATAKDA sa Oktube ang joint Philippine-US war games na gagawin sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.
Batay sa inilabas na pahayag ng US embassy sa Manila, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nag-imbita sa US marines at sailors mula sa 3rd Marine Expeditionary Brigade at Bonhomme Richard Expeditioanry Strike Group para lumahok sa Philippines Amphibious Landing Exercise (Phiblex 33), na nakatakda sa Oktubre 4 hanggang Oktubre 12.
Sinabi ng US embassy, ang Phiblex 33 ay gagawin sa Luzon kabilang ang Palawan malapit sa tinaguriang disputed islands sa West Philippine Sea.
Bahagi sa Phiblex 33 ang “amphibious landing exercise and live-fire training featuring artillery.”
“The opportunity to train and build mutually beneficial capabilities with our Armed Forces of the Philippines partners is essential for sharpening our bilateral amphibious and humanitarian assistance capabilities, both hallmarks of the US Marine Corps,” wika ni Brig. Gen. John M. Jansen, commanding general 3rd Marine Expeditionary Brigade.
Sinabi ni Jansen, kabilang sa pagsasanay ang small arms at artillery live-fire.
“Exchanging expertise and cultivating our longstanding security alliance provides a cornerstone for security and stability in the region, and has for decades,” ani Jansen.
Nasa 1,400 US troops na nakabase sa Okinawa, Japan ang lalahok sa war games habang nasa 500 ang sundalong Filipino.
Lalahok din sa nasabing military exercise ang Amphibious Squadron 11 at tatlong barko ng US, ang Bonhomme Richard Amphibious Ready Group (BHR ARG), kabilang ang USS BHR (LHD-6), USS Green Bay (LPD-20), at ang USS Germantown (LSD-48).
Habang sa panig ng AFP, lalahok ang mga miyembro ng 3rd Marine Brigade at ang bagong Strategic Sealift Vessel ng Philippine Navy ang BRP Tarlac.