INILINAW ng Department of Foreign Affairs (DFA), hindi kasali sa agenda ng United Nations (UN) ang isyu ng extrajudicial killings (EJK) sa pagbisita ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights sa bansa sa susunod na linggo.
Sinabi ni DFA Spokesman Charles Jose, nasa bansa ang naturang komite para talakayin ang isinumiteng report ng gobyerno ng Filipinas hinggil sa pagtupad nito sa convention on economic social and cultural rights.
“It was a regular thing,” ani Jose.
Paliwang ni Jose, bilang isa sa 164 signatories sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) kailangan sumailalim sa regular review ng human rights situation ang Filipinas.
Ang pagpupulong ay ginagawa rin aniya sa iba pang signatories ng nasabing covenant.
Bukod sa Filipinas ay na-review na rin ng UN ang bansang Costa Rica, Cyprus, Poland, Tunisia, Lebanon at Dominican Republic.
Gaganapin ang review sa human rights situation sa bansa sa Setyembre 28 at 29.
Sa ngayon, hinihintay ng DFA ang instructions mula kay Pangulong Rodrigo Duterte kung magpapadala ang bansa ng letter-invitation sa UN at European Union para imbestigahan ang human rights situation sa Filipinas.