HAYO nang hayo! Ito ang patuloy na ginagampanan ni Ms. Charo Santos Concio sa kanyang paglilibot sa iba’t ibang panig ng mundo bilang Ambassadress na rin ng programang MMK (Maalaala Mo Kaya) para sa mga regional at international na kuwentuhang Kapamilya sa mga kuwento ng buhay ng ating mga kababayan.
Kaya naman tuwing Sabado ng gabi, nakaabang ang mga manonood sa mga nakaaantig sa pusong kuwento nating lahat!
Kailan lang, matapos ang pananagumpay ng kanyang pelikulang idinirehe ni Lav Diaz nang magkamit ito ng parangal sa Venice International Film Festival, humayo naman ito sa Toronto, Canada para sa #TFCKwentuhangKapamilyasaToronto.
Aminado si Tita Charing na hindi mabilang sa daliri ang magagandang kuwentong naibabahagi sa kanya ng ating mga kababayan. Kaya naman ang kuwento ng isang OFW noong nakaraang Sabado na tinampukan ni Aiko Melendez ay umani ng katakot-takot na papuri dahil marami ang sumasalamin sa ikot ng buhay nito at ng kanyang pamilya.
Sa darating na Sabado pinaghahandaan na ang paghahain ng kuwento ng buhay ng ating silver medalist na si Hidylin Diaz sa Rio Olympics 2016na gagampanan ni Jane Oineza.
HARDTALK – Pilar Mateo