MALAKI ang tsansa na maging magkakosa sina Sen. Leila de Lima at pork barrel scam queen Janet Lim-Napoles dahil santambak ang nakalap na ebidensiya ng administrasyon sa kanilang koneksiyon at pagkakasangkot ng senadora sa illegal drugs.
Sa isang chance interview sa Davao City kamakalawa ng hatinggabi, tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi inimbento ng administrasyon ang mga ebidensiya at hindi sinulsulan ang mga testigo laban kay De Lima.
Matatalinong tao aniya ang ilan sa mga saksi laban kay De Lima gaya nina dating National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Directors Ruel Lasala at Reynaldo Esmeralda.
“Yung mga NBI, si Esmeralda, Lasala. Kilala mo lang ‘yan. Mas wise pa ‘yan sa akin. You cannot do that ‘yung ganon karami. You cannot orchestrate a testimony. Magbungguan ‘yan kung hindi totoo,” anang Pangulo.
Sila Lasala at Esmeralda ay sinibak ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014 dahil sa rekomendasyon ni noo’y Justice Secretary De Lima at iniugnay sila kay Napoles.
Ngunit ayon sa dalawang tinanggal na NBI execs, si Atty. Plaridel Bohol, dating asawa ni De Lima, ang abogado ni Napoles at nagdala sa pork barrel scam queen sa NBI bago siya sumuko kay Aquino noong 2013.
Ang testimonya ng dalawa ay sinuportahan nila ng CCTV footage nang nagpunta si Napoles sa NBI nang imbestigahan sila nang binuong ad hoc committee noong panahong iyon.
Giit ng Pangulo, chairperson pa lang ng Commission on Human Rights (CHR) si De Lima ay ginamit siya para sumikat hanggang naging justice secretary at ngayo’y senadora na.
Naniniwala si Duterte, lalong nagalit si De Lima sa kanya nang humarap sila sa Senate probe hinggil sa rice smuggling at pinagbantaan niyang papatayin ang tinukoy na rice smuggler na si Davidson Bangayan a.k.a. David Tan.
“I really do not know. Hindi ko na hawak. Pero alam ko na ang totoo talaga. I have a picture, a bird’s eye view of what happened there. At ako ‘yung nauna e. Remember when I was summoned by the senate? To testify. Tapos nagsagutan kami ni De Lima. ‘Yung patayan, e kay Enrile naman na tanong ‘yun, rice smuggling, stealing 7 billion of the people’s taxes. Nagalit si De Lima,” dagdag ng Pangulo.
Matatandaan, nang humarap si Duterte sa Senado ay inihayag niya na ikinalulugod niyang paslangin si Bangayan kapag nagdiskarga ng smuggled rice sa Davao City.
Sumuko si Bangayan sa NBI noong justice secretary pa si De Lima ngunit hindi naisampa ang kasong rice smuggling laban sa kanya hanggang magbitiw ang kalihim para tumakbong senadora noong Mayo 2016 elections.
Kahapon, tiniyak ng ilang mambabatas at ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sapat ang mga ebidensiya para isampa ang mga illegal drug case laban kay De Lima, kasama ang mga dokumento mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagdetalye ng mga transaksiyong pinansiyal ng illegal drugs trade sa New Bilibid Prison (NBP) na sinasabing nakinabang ang senadora.
ni ROSE NOVENARIO