ZAMBOANGA CITY – Bumaliktad ang isang pampasaherong barko na nagmula sa Sandakan, Malaysia habang nakaangkla sa pampublikong daungan ng Zamboanga City kamakalawa.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nangyari ang insidente dakong 9:30 pm habang ibinababa ang mga karga nitong vegetable oil.
Ligtas ang lahat ng 799 pasahero na sumakay sa M/V Danica Joy 2 ng Aleson Shipping Lines dahil nakababa na sila nang dumating ang barko sa lungsod dakong 4:00 pm.
Nakababa na rin ang lahat ng mga crew nito kasama ng boat captain na si Diojenes Saavedra.
Ayon kay Zamboanga Port Harbor Master Arthur Nogas, ang naturang barko ay may 900 passenger capacity.
Kabilang sa mga sumakay sa nasabing barko ang 11 Malaysians, isang Australian kasama ang 603 deportees.