KUNG gagamitan lang ng wide shot ang kabuuan ng Kia Theatre, halos mapuno ito ng mga nanood ng Ai Ai Meets Lani, Lani May Ai? nitong nakaraang Sabado.
Sa aming pakiwari, mabibilang lang ang mga bakanteng silya.
Ito ang kauna-unahang pagsasama ng binansagang Comedy Concert Queen at Asia’s Nightingale sa isang malaking live performance.
Produced by DSL ng mag-inang Dulce Lucban at Pops Fernandez, tiyak na hindi kakagatin ng mga manonood kung ang nag-concert ay sina Ai ai at Pops, o Lani at Pops.
Tulad ng inaasahan, ang walang kaprete-pretensiyon na si Ai Ai na aminadong hindi naman talaga isang singer ay nakipagsabayan kay Lani with her brand of humor.
Kung si Lani ay inasahan nang bumanat ng mga buwis-buhay at makapatid-litid na kanta, pagkokomedya naman ang pambawi ni Ai Ai.
Dressed in red gown na may suot pang tiara na mala-reyna ang dating, showstopper ang Tatlong Bibe number ni Ai Ai as opposed to that of Lani na umawit ng Broadway songs na Don’t Cry for me, Argentina, Memory, at All I Ask of You.
Para sa amin, kapansin-pansin lang ang presensiya ng surprise guest sa concert na si Alden Richards.
Obviously, sa SNBO ng GMA ipalalabas ang palabas na ‘yon, and Alden being the top Kapuso young actor kung kaya’t naroon siya, kesehodang ang kinanta niya ay ang gasgas nang God Gave Me You.
We felt na masyadong gamit na gamit si Alden ng GMA. Parang ang tingin na lang ng network kay Alden ay tagasalba ng kanilang show, putting him here and there to attract viewers and advertisers as well.
Alden is an actor to begin with. Entonces hindi niya kailangang magkaroon ng special guest appearance sa mga show tulad ng kina Ai Ai at Lani na alam naman ng lahat ay dudumugin.
Look, wala kaming narinig na malalakas na tilian sa audience. Kasi nga, Alden was “miscast” in a show topbilled by time-tested live performers.
HOT, AW! – Ronnie Carrasco III