AABOT sa 30 testigo at resource person ang ipiprisenta ng Department of Justice (DoJ) ngayong araw sa isasagawang imbestigasyon ng Kamara kaugnay nang sinasabing illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, ang mga witness ang magdidiin kay Sen. Leila de Lima na aniya’y nakinabang sa drug money mula NBP.
Sa unang araw ng House probe, ihaharap ang mga testigo para ma-establish kung bakit, papaano, saan, kailan at ang pinakamahalaga ay kung sino-sino ang nakinabang sa perang galing sa droga.
Kinompirma ni Aguirre na isa si Herbert Colangco, miyembro ng binansagang Bilibid 19, sa mga tetestigo laban sa senadora.
Kasama ni Colangco ang iba pang high profile inmates na inilipat sa custodial center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa banta sa kanilang buhay sa loob ng Bilibid.
Kabilang din sa tetestigo ang dating OIC ng Bureau of Corrections (BuCor) noong justice secretary pa si De Lima, na si Rafael Ragos
WITNESSES MAY IMMUNITY
INIHAYAG ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon, ang mga testigo laban kay Senadora Leila de Lima kaugnay sa pagkakasangkot sa droga, ay binigyan ng “immunity” sa kaso.
Sinabi ni Aguirre, umaabot sa 30 testigo, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI) personnel at high-profile inmates, ang pumayag tumestigo laban kay De Lima kaugnay sa pagkakasangkot sa drug operations sa New Bilibid Prisons noong siya ay justice chief pa lamang.
“Whatever they will say, hindi sila maaaring idemanda. It could not be used against them,” pahayag ni Aguirre sa press conference.
NBP DRUG INQUIRY SA KAMARA IISNABIN NI DE LIMA
NANINDIGAN si Senator Leila de Lima na hindi siya dadalo sa gagawing Congressional inquiry ngayong araw tungkol sa sinasabing bentahan ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ng senadora, bukod sa hindi niya pagpunta nang personal ay hindi rin siya magpapadala ng sino mang kinatawan sa Kamara. Aniya, hindi niya kinikilala ang nasabing inquiry dahil walang ibang motibo dito kundi sirain ang kanyang pagkatao.
EBIDENSIYA VS DE LIMA SAPAT — AGUIRRE
NANINIWALA si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, base sa testimonial evidence lamang, sapat ang basehan para sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) gayondin ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Senadora Leila de Lima.
Ayon kay Aguirre, nakikipag-coordinate na sila sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay sa network ng bank accounts na sangkot sa NBP illegal drug operations, bilang bahaging case build-up ng DoJ laban kay De lima at sa iba pang dapat na mapanagot.
( LEONARD BASILIO )