UMAKYAT na sa 12 ang napatay habang 16 ang nasugatan sa hanay ng pulisya sa gitna ng kampanya kontra sa ilegal na droga mula Hulyo 1.
Sa naturang mga insidente, nanlaban ang mga drug suspect kaya nalagay sa alanganin ang buhay ng mga pulis, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson, Superintendent Dionard Carlos.
Sa tala ng PNP Directorate for Personnel and Records Management, pinakahuli sa mga napaslang sa operasyon si PO1 Romeo Mandapat, Jr.
Binisita ni PNP chief Director Ronald dela Rosa ang burol ni Mandapat sa Camp Crame, Linggo ng gabi.
Tiniyak ni Supt. Arnel Esmana ng PNP Morale and Welfare Division, makatatanggap nang sapat na benepisyo ang pamilya ng mga napatay at nasugatan sa operasyon.
Pagkakalooban ang mga naulilang pamilya ng P250,000 mula sa Presidential Social Fund (PSF), special financial assistance na katumbas ng anim buwan sweldo, commutation of accumulated leave, pension benefits, Pag-ibig benefits at burial assistance na katumbas ng tatlong buwan sweldo.
Nagbibigay rin si dela Rosa ng tig-P100,000 cash assistance sa pamilya ng mga namatay.
Habang makakukuha ang mga nasugatan ng P50,000 mula sa PSF, paid leave at reimbursement ng kanilang binayaran sa ospital.
4 TULAK TIGBAK SA PARAK SA MAYNILA
PATAY ang tatlong hinihinalang drug pusher sa pakikipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.
Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga napatay na sina JR Pamilar, Allan Salon at isang alyas Dodong.
Ayon sa MPD operatives, naaktohan nila ang mga suspek habang nagrerepak ng shabu sa isang maliit na apartment sa New Antipolo St., sa Sta. Cruz, Maynila.
Sinabi ng mga pulis, pinaputukan sila ng mga suspek kaya gumanti sila ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo.
Napag-alaman sa MPD, si Pamilar ang pangunahing target sa operasyon. Si Pamilar ang itinuturing na top drug pusher sa Quiapo, Blumentriit at Sampaloc area.
Samantala, isa pang lalaking hinihinalang tulak ng droga ang napatay nang lumaban sa mga pulis sa buy-bust operation sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Hindi na umabot nang buhay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang suspek na si alyas Jason Sputnik.
(L EONARD BASILIO )
3 DRUG SUSPECT UTAS SA VIGILANTE SA CALOOCAN
PATAY ang tatlo kataong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga makaraan pagbabarilin ng pinaniniwalaang mga miyembro ng vigilante group sa magkakahiwalay na lugar sa Caloocan City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Rhyan Rodriguez, dakong 3:00 am habang natutulog sa kanilang bahay sa 1195 Durian Ext., Brgy. 178, Camarin ang mekanikong si Saidamen Patani, 26, nang biglang pasukin ng tatlong armadong lalaki at siya ay pinagbabaril.
Nauna rito, dakong 12:30 am, nakatayo sa harap ng kanilang bahay sa Phase 9, Pkg. 9, Blk. 108, Lot 7, Brgy. 176, Bagong Silang si Cerna Gaspar, 40, nang bigla siyang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Habang ang construction worker na si Fernando Cabrera, 51, ng Phase 9, Pkg. 8, Blk 81, Lot 15, Brgy. 176, Bagong Silang ay pinasok sa kanyang bahay ng dalawang hindi nakilalang suspek at siya ay pinagbabaril.
( ROMMEL SALES )